By: Tin Lumbre
Tuwing sinasabi ang salitang “kainan,” lagi kong naalala ang kuwento ng aking Lola tungkol sa mga anghel sa langit. Sabi niya, mahahaba raw ang kutsara at tinidor ng mga anghel ngunit hindi nila ito ginagamit. Sa halip, ginagamit nila ang mahahabang kutsara upang pakainin ang isa’t isa at hindi magagamit para sa kanilang sariling bibig, walang nagugutom dahil natuto silang mag-abot, mag-alaga, at magbahagi sa kanilang mga kasalo.
Kagaya ng kuwentong ito, makikita ang kahalagahan ng pagsasalo-salo sa hapagkainin kung saan ang pagkain ay hindi lamang simpleng pagtugon sa pisikal na pangangailangan– sa gutom. Ang pagsasalo-salo sa hapagkainan ay isang pagkakataon upang maipadama sa isa’t isa na hindi tayo nag-iisa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ating mga kuwento. Sa pagtitipon na ito, naipapamalas din natin ang isang magandang bahagi ng kulturang Pilipino – ang likas na pagiging magiliw sa mga bisita. Sa tuwing sama-sama tayong kumakain, hindi lamang natin pinapakain ang ating katawan—pinagyayaman din natin ang ating puso at ugnayan bilang pamilya o komunidad.
Para sa pamilyang Pilipino, likas na bahagi ng ating kultura ang pagsasalo-salo sa bawat okasyon sa ating buhay. Sa hapagkainan, nagkikita-kita ang pamilya, nagkukuwentuhan, nagkukumustahan at nagbabahagi ng mga karanasan. Minsan, dito rin napag-uusapan ang maliliit na problema, masasayang balita, mga plano, at mga pangarap. Ang hapag ay nagiging isang ligtas at bukas na lugar kung saan maaaring magsalita, makinig, at maramdaman na tayo ay nakikita at pinakikinggan.
Ito rin ay isang mahalagang karanasan para sa pag-unlad ng mga bata, kung saan ang mga simpleng kuwentuhan habang kumakain ay pagkakataon din ng pagkatuto—kung paano kumilos sa hapag, makinig, makibahagi sa usapan, gumalang sa kausap at sa pagkain, at maghintay ng kanilang pagkakataong magsalita. Sa bawat sabay-sabay na pagkain, unti-unting nabubuo ang mga pagpapahalaga at kaugaliang dadalhin nila hanggang sa kanilang paglaki.
Ngunit sa panahon ngayon, hindi laging madaling magsama-sama sa hapag. Dahil sa trabaho, pag-aaral, mga responsibilidad, at iba’t ibang pinagkakaabalahan, kung kaya’t ang Kainang Pamilya Mahalaga Day ay isang paalala na sana ay huwag nating hayaang maging hadlang ang pagiging abala sa pagkakaroon ng panahon para sa pamilya at pagsasalu-salo. Hindi kailangang maghintay ng espesyal na okasyon. Minsan, sapat nang maglaan ng ilang minuto upang maupo nang magkakasama, magbahagi ng pagkain, magkuwentuhan, at makinig sa isa’t isa.
Sapagkat tulad ng kuwento ng mga anghel, ang hapag-kainan ay nagtuturo sa atin ng isang simpleng aral: mas nagiging makabuluhan ang pagkain kapag sama-sama at hindi lamang para sa sarili. Sa bawat pagsasalo, natututo tayong magbahagi ng pagkain at ng sarili, maglaan ng panahon, makinig sa mga kuwento, at magmalasakit at mapagtibay ang ating relasyon sa ating pamilya.
Kaya’t sama-sama tayong magsalu-salo ng hapunan sa ating mga tahanan sa darating na Kainang Pamilya Mahalaga Day sa Setyembre 28, 2026. Higit pa sa isang araw ng pagdiriwang, hangarin nating gawin itong araw-araw ang sabay-sabay na kakain, kasama ang kwentuhan at paglalaan ng oras sa pamilya.

*AI generated photo
